On Independence and Democracy By UP SESC | June 12, 2017
Pagkatapos ng mahigit tatlong siglo sa ilalim ng pamamahala ng mga Kastila, idineklara ng dating pangulong Emilio Aguinaldo sa araw na ito ang ating kalayaan. Kasabay ng unang pagwagayway ng ating watawat at pag-awit ng ating pambansang awit ay ang paggunita sa ating mga kapwa Pilipino na inilaan ang kanilang buhay upang makamit ang ating kasarinlan. Ipinamalas ng ating mga bayani ang kanilang tapang at talino sa paglaban para sa ating kalayaan, at makikita dito ang kanilang walang sawang pagmamahal para sa ating bansa. Ngunit ayon sa kasaysayan at sa kasalukuyan, hindi natapos dito ang ating laban.
Isa sa mga naging hadlang sa ating kalayaan at demokrasya ay ang diktaduryang pinamunuan ng dating pangulong Ferdinand Marcos. Dahil sa matinding pagnanais na manatiling pangulo ng Pilipinas upang manatiling makapangyarihan, isinailalim niya ang ating bansa sa batas militar noong 1972. Sa ilalim ng batas militar, nilabag ang ating mga karapatang pantao kasama na ang pagdadakip at pagpapapatay sa mga taong lumaban sa kanyang administrasyon. Ngunit hindi nagpabaya ang mga Pilipino at sa pamamagitan ng 1986 EDSA People Power Revolution ay ipinaglaban natin ang ating demokrasya at ang ating mga karapatan bilang mga Pilipino.
Sa kasalukuyan, ang ating kalayaan ay nanganganib. Sa ilalim ng administrasyong Duterte, natatapakan ang mga karapatang pantao dala ng samu’t saring pamamamaslang sa giyera laban sa droga. Nanganganib na rin ang ating kalayaang mamahayag sa pag-iral ng kasinungalingan sa ating lipunan ngayon. Sa pagdeklara ng batas militar sa buong Mindanao, nasususpende ang Writ of Habeas Corpus na nagpoprotekta sa mga karapatan ng mga mamamayan. Ang pagtapak sa ating mga karapatan ngayon ay hindi nalalayo sa pagtapak sa mga karapatan noong panahon ng mga Kastila at noong diktaduryang Marcos.
Gayunpaman, ang aming panawagan ay kapayapaan sa buong bansa, lalong-lalo na sa Mindanao, sapagkat kailanma’y walang demokrasya habang mayroong karahasan. Gayundin, hindi makakamtan ang demokrasya habang may batas militar. Mariin naming tinatanggihan ang pagsasatupad nito at nananawagan kaming magtipon ang Kongreso para sa isang Joint Session upang maitigil ang batas militar. Nawa’y maging tapat ang ating mga pinuno sa pagpapatupad ng ating konstitusyon at pagtindig para sa demokrasya. Maliban sa mga ito, kami’y nananawagan na pagtuunan ng pansin ng ating pamahalaan ang kaunlaran ng bansa, at hindi ang karahasan. Huli, tayo’y magsama-sama at protektahan ang mga karapatang ating nakamit dahil sa ating kalayaan. Ating ipaglaban ang ating karapatang mabuhay at mga karapatang maging malaya mula sa pang-aapi at pang-aabuso ng pamahalaan.
Ngayong Araw ng Kalayaan, tumindig tayo para sa demokrasya at labanan ang karahasan!